Nakitang nakasilid ang isang bangkay ng babae sa loob ng isang storage box sa ilalim ng Pinagwarasan Bridge sa Basud, Camarines Norte.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nakabalot sa brown na kumot ang bangkay na pilit isiniksik sa loob ng kahon.

Wala pang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng babae na nakasuot ng puting t-shirt, itim na leggings at may mga tattoo sa katawan.

Kasalukuyang nag-iimbestiga ang pulisya, na nanawagan sa publiko na makipag-ugnayan sa kanila ang sino mang may impormasyon tungkol sa babae. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News