Isang patay na buwaya na hinihinalang binaril sa ulo ang natagpuang lumulutang sa karagatan ng Panglima Sugala, Tawi-Tawi nitong Miyerkoles ng umaga, January 7, 2026.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing sumabit ang buwaya na tinatayang 10.5 feet ang laki sa tali ng isang bangka sa Barangay Luuk Buntal.
“Parang matagal na rin siyang patay kasi yung skin niya, parang naalis na,” ayon kay Barangay Luuk Buntal Chairman Bing Jahama.
May nakita ring sugat sa ulo ang buwaya na hinihinalang tama ng bala.
Posible umanong sa ibang lugar binaril ang buwaya at napadpad lang sa nasabing barangay.
“Parang binaril, ganyan. Ang tantiya ko lang, parang pinatay sa ibang lugar, so naanod siya dito,” sabi pa ni Jahama.
Inilibing na rin kaagad ang naturang buwaya, habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Unang pagkakataon umano na may napadpad na buwaya sa naturang lugar. – FRJ GMA Integrated News
