Sadyang kasama rin pala sa bar ng suspek na pulis ang tatlong kabaro [kasama ang kanilang hepe] na kaniyang binaril at napatay sa Sibulan, Negros Oriental. Nangyari ito matapos barilin muna ng suspek ang isang babae sa naturang bar.

Ito ang inihayag ng Negros Island Region (NIR) Police Office, ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo.

Unang iniulat na binaril ng suspek na pulis ang isang babae, at naaresto ng tatlong pulis ang kanilang kabaro. Ngunit habang nasa sasakyan, pinagbabaril umano ng suspek ang tatlo niyang kasama at namatay—kabilang ang kanilang hepe.

Naging palaisipan noon kung papaano nagawang barilin ng suspek ang kaniyang mga kasama kung naaresto ito. At kung kaninong baril ang ginamit ng suspek sa pagpatay sa tatlo, o kung naalisan ba siya ng armas nang arestuhin.

“This group of policemen, with the chief of police, pumunta sila dito sa bar. And then they invited one, itong biktima nating babae,” ayon kay NIR Police director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay.

Sa CCTV footage, makikita ang biktimang babae na nakaupo kasama ang mga pulis. Pero tumayo ang suspek na pulis, lumakad at saka binaril sa ulo ang babae.

Nang lumabas ang suspek, sumunod sa kaniya ang tatlong pulis kasama ang hepe ng Sibulan police station.

Sakay sila ng kotse nang pagbabarilin sila ng suspek na pulis na tumakas muna bago sumuko kinalaunan sa mga awtoridad.

Napag-alaman din na may dalawa pang pulis na nasa labas ng bar na sinabihan umano na tumawag ng ambulansiya para sa babaeng binaril.

Iniimbestigahan na rin ngayon ang dalawang pulis na nasa labas ng bar.

“’Yun ang talagang pinipilit naming alamin, pagdating doon sa naging motibo kung bakit niya nabaril itong biktima nating babae sa bar,” ani Ibay.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, mahaharap sa kasong multiple murder ang suspek na tumanggi umanong magbigay ng pahayag. — Vince Angelo Ferreras/JMA GMA Integrated News