Isang 10-wheeler truck ang bumangga sa ilang bahay at carinderia sa Antipolo City nitong Linggo ng hapon.
Nangyari ang insidente sa Sumulong Highway, Barangay Mambugan.
Ayon sa may-ari ng carinderia na si Abelyn Caspe, kakasara lang niya ng kanilang kainan at tumawid ng kalsada nang makarinig siya ng malakas na putok, ayon sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Lunes.
Sumalpok na pala ang nasabing truck sa kanyang carinderia.
TINGNAN: Ilang bahay sa Brgy. Mambugan, nawalan ng kuryente matapos maaksidente ang isang 10 wheeler truck kahapon.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 11, 2026
Courtesy: EJ Gomez, GMA Integrated News pic.twitter.com/wHCrZUC97c
Nayupi ang harap ng truck, nabasag ang windshield nito, at nasira rin ang unang mga gulong.
Tumapon din sa kalsada ang kargang lupa ng truck.
Wasak naman ang ilang bahay at ang carinderia. Nabangga rin ang poste ng kuryente at naapektuhan ang mga linya ng kuryente.
Walang nasaktan sa insidente.
Kuwento ng mga saksi, nakikaghabulan umano ang 10-wheeler truck sa isa pang truck nang mawalan ito ng kontrol, ayon sa taga-barangay.
Tumalon daw ang driver at pahinante at sumakay sa kasama nila sa kabilang truck at tumakas.
Pasado alas-sais ng gabi ng Linggo ay dumating ang kinatawan ng may-ari ng truck.
Hindi raw nila ma-kontak ang driver at pahinante. Nalaman lang daw nila sa social media ang pangyayari.
Galing daw Pampanga ang truck at nag-deliver ng buhangin sa Maynila. Matapos nito ay pumunta ito sa Antipolo City para kumuha ng lupang panambak na dadalhin sa Bulacan.
Ayon sa kinatawan ng may-ari ng truck, sasagutin nila ang responsibilidad sa mga nasira dahil sa aksidente.
Hinahanap pa ng pulisya ang driver at pahinante. —KG GMA Integrated News
