Napaiyak sa sakit ang isang Grade 6 student dahil sa pananakal sa kaniya ng kapwa niya estudyante sa isang eskuwelahan sa Bugasong, Antique.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang kuha sa loob ng silid-aralan habang wala ang kanilang guro noong Enero 7, kung saan umiiyak ang biktimang estudyante habang sakal-sakal ng kaniyang kaklase.

Ilang saglit pa, inawat sila ng iba pang mga estudyante.

Ayon sa ina ng sinaktang estudyante, napagbintangan ang kaniyang anak na siya ang sumipa sa kaklaseng nanakal sa kaniya, kaya siya nito sinugod.

Na-dislocate ang kaliwang siko ng kaniyang anak, na kasalukuyang naka-confine sa ospital at kailangang operahan.

Nagpaabot ng financial assistance ang pamunuan ng paaralan para sa naospital na estudyante.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Nakatakda ring mag-usap ang mga magulang ng dalawang estudyante.

Pinagsusumite naman ng ulat ang principal at district supervisor ng Bugasong ng DepEd Schools Division Office.

Patuloy na kinukuha ang panig ng kaanak ng estudyanteng nanakal.

“Conduct or administer a psychological first aid sa bata, sa mga bata, hindi lang ang biktima kundi ang iba pang bata na involved,” sabi ni Dr. Ernesto Servillon, Jr., Antique Schools Division Superintendent.

“Nagka-conduct lang tayo ng lecture sa grade 6 pupils sa section na iyon. Nag-lecture sila sa anti-bullying,” sabi ni Police Captain Alfonso Precia, OIC ng Bugasong MPS. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News