Patay na at may saksak sa kaliwang dibdib nang matagpuan ang isang lalaki sa loob ng isang truck sa Gerona, Tarlac. Isang person of interest (PIO) ang hawak ng pulisya.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing ang POI ang huling kasama ng 50-anyos na biktima na nawawala ang pera.

Lumabas sa imbestigasyon at sa kuwento ng residenteng nag-report sa pangyayari, na magkatabi umano nilang ipinarada ng biktima ang kanilang sasakyan sa Barangay Magaspac.

Pagkabalik niya sa lugar, napansin niyang bahagyang nakabukas ang pinto sa passenger side ng truck.

Nakasandal noon ang katawan ng biktima na may saksak na sa dibdib.

Pagnanakaw ang tinitingnang motibo sa krimen at patuloy ang imbestigasyon, ayon sa pulisya.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News