Hindi na nakakilos sa takot ang isang babaeng delivery rider na patas na naghahanap-buhay matapos siyang holdapin ng dalawang kawatang nakamotorsiklo sa Lapu-Lapu Extension sa Digos City. Ang perang P13,000 na kaniyang nakolekta, tinangay.
Sa footage na nakuha ng GMA Regional TV, na iniulat sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang babaeng rider na naghihintay sa labas ng isang bahay.
Kinakausap niya noon sa telepono ang receiver ng parcel na kaniyang ihahatid.
Ngunit bago pa mapuntahan ng customer ang rider, dalawang lalaking magkaangkas ang dumating.
Tinutukan siya ng baril ng angkas ng motor, na bumaba at kinapkapan ang takot na takot na biktima.
Nagtanong umano ang salarin kung nasaan ang perang nakolekta ng delivery rider.
Kalaunan, nakita ng salarin ang belt bag ng biktima na itinago niya sa kaniyang jacket, at sapilitan itong kinuha ng lalaki.
Halos hindi na nakagalaw ang biktima sa takot habang humaharurot palayo ang mga kawatan.
Batay sa pulisya, aabot sa P13,000 na pera ang tinangay ng mga salarin na sakay ng motorsiklong “For Registration” ang nakalagay sa plaka.
Sinabi ng uploader ng video na agad namang kumilos ang pulisya matapos iulat sa kanila ang insidente.
Agad nagsagawa ng checkpoint ang mga awtoridad ngunit hindi nila nahuli ang mga holdaper.
“This Office, together with the Intelligence Unit and Mobile Patrol Units, immediately conducted hot pursuit operation for the possible identification and apprehension of the fleeing suspects, as well as the recovery of the stolen valuables,” sabi ng Digos City Police Station.
Ayon naman sa uploader, may isa pang rider na nabiktima sa kaparehong lugar noong Hunyo 2025.
Tila modus na ng mga holdaper na manmanan ang mga rider na posible nilang mabiktima.
“We urge our community members, especially delivery riders and individuals handling cash transactions, to remain vigilant and take precautionary measures at all times. Rest assured that your police force remains committed to protecting lives, property and safety of everyone in Digos City,” anang Digos CIty Police Station. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
