Nahuli-cam ang ginawang paghalik ng isang lalaking sakay ng motorsiklo sa naglalakad na babaeng estudyante sa Bacolod City. Hinawakan din umano ng suspek ang maselang bahagi ng katawan ng dalagita.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, makikita ang biktima na naka-school uniform habang naglalakad sa gilid ng daan nang hintuan siya ng rider.
Inalis ng suspek ang kaniyang helmet at kinausap ang babae at doon na nangyari ang paghalik, pagyakap at paghawak umano ng suspek sa maselang bahagi ng katawan ng dalagita.
Nangyari umano ang insidente malapit sa tanggapan ng Barangay 17.
Ayon sa biktima, nagpakilala raw ang suspek na kilala nito ang kaniyang mga magulang pero hindi niya mismo kakilala ang suspek.
Labis ang galit ng ina ng dalagita nang malaman ang nangyari at ini-report nila ang insidente sa pulisya.
Ayon kay Police Major Eugene Tolentino, hepe ng Bacolod City Police Station 2, natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng suspek at ipapakumpirma nila ito sa biktima.
Hinala rin ng pulisya, posibleng ang lalaki rin ang responsible sa iba pang sumbong sa katulad na insidente sa ibang barangay.
Nangako naman ang barangay na tutulungan ang biktima na nakaranas umano ng trauma.—FRJ GMA Integrated News
