Papatawan ng disciplinary action ang isang binatilyo dahil sa pananapak niya sa kaniyang babaeng kaklase sa isang private school sa Tagkawayan, Quezon.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa labas ng silid-aralan, kung saan nahuli-cam ang pag-uusap ng lalaki at babae.
Paalis na ang babae nang harangin siya ng lalaki niyang kaklase. Ilang saglit pa, hinila na ang babae at sinapak ito ng binatilyo.
Nahinto lamang ang pananakit matapos silang awatin ng isang lalaking teacher.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Tagkawayan Police sa insidente.
Lumabas sa inisyal na ulat na paninirang puri ng lalaki ang itinuturong dahilan ng away.
Nangako naman ang pamunuan ng paaralan na papatawan ng disciplinary action ang lalaki at isasailalim sa counseling ang dalawa.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
