Isang content creator ang nasawi matapos siyang malason dahil sa pagkain niya ng devil crab sa Puerto Princesa, Palawan.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang vlogger na si Emma Amit, na nakapag-post ng pagkain nila ng mga lamang dagat bilang kaniyang huling content.
Sinabi ng kapitan ng Barangay Luzviminda na Pebrero 6 nang lutuin ni Emma ang mga alimangong nahuli ng kaniyang asawa.
Nakasalo pa umano ni Emma sa pagkain ang kaniyang kaibigan na dumalaw.
"Nakakain ng isang piraso 'yung kaniyang kasama [at] namanhid 'yung kaniyang bunganga. Ngayon, tumigil po sa pagkain, ayaw na dahil naglalaway na raw po siya," sabi ni Laddy Gemang, Kapitan ng Barangay Luzviminda.
Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin si Emma sa pagkain.
"'Yun na po pagkatapos kumain ayun na hirap na pong huminga then sinugod kaagad sa clinic. Pagkadating doon humingi pa ng tulong pero hirap na hirap na, nu’ng naghikab nawalan ng malay, then ni-revive naman po ng mga nurse at midwife at dinala kaagad nila sa hospital sa Puerto Princesa," ani Gemang.
Doon na idineklarang dead on arrival si Emma.
Sinabi ng barangay na isinugod din sa pagamutan ang kaniyang kaibigan ngunit magaling na ito at nakauwi na ng bahay.
"Talagang hindi naman nagtigil 'yung ating gobyerno sa pagpaalala kaso lang ma'am dahil siguro nakalimutan 'yung itsura nu’ng devil crab na 'yun at nakita nila talagang katakam-takam 'yung naturang crab kaya siguro kinain," sabi ni Gemang.
Kinumpirma ng kapitan na ang vlogger ang ikatlong pumanaw sa kanilang barangay dahil sa pagkain ng devil crab.
Inilahad ng isang propesor sa UP Marine Science Institute na ang mga phytoplankton na kinakain ng devil crab ang nagiging sanhi kung bakit ito nakalalason.
"'Yung mismong crab ay hindi gumagawa ng lason, pero dahil may mga mikro organismo na gumagawa ng lason na nakakain nung crab, ito ay pwedeng maipon doon sa mismong crab,” sabi ni Deo Florence Onda, professor sa UP Marine Science Institute.
“Dahil nadami ‘yung microorganisms na gumagawa ng lason sa reef, mas madali itong maipasa doon sa mga crab na nakatira din sa mismong reef,” dagdag ni Onda.
Ayon pa kay Onda, ang neurotoxin ang sanhi ng mga sintomas gaya ng paralysis, at depende sa dami ng toxin ang bilis ng epekto nito sa tao.
“Isang bagay na dapat tingnan ng BFAR, malaman sana kung saan madami at mataas ‘yung toxin na available sa environment para mas mabigyang pansin kung sino ‘yung mga komunidad na dapat talagang pagbawalan,” sabi ni Onda.
Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources MIMAROPA na hindi lahat ng makukulay na limango ay ligtas kainin kundi nakamamatay pa ang ilan sa mga ito, kasama na ang devil crab at green egg crab.
May mga lason anila ang mga ito, na maaaring magdulot ng pamamanhid, panghihina, at respiratory paralysis.
Kahit pa lutuin at pakuluan ang mga ito, hindi pa rin nawawala ang lason nito. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
