Kalunos-lunos ang sinapit ng magkapatid na edad tatlong taon at pitong buwan na ginilitan umano ng sarili nilang ina habang natutulog sa kanilang bahay sa Nabunturan, Davao de Oro. Ang ina, nagsaksak umano sa sarili matapos gawin ang krimen.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen nitong Martes sa Barangay Magsaysay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang lolo umano ng mga bata ang nakakita sa duguang katawan ng kaniyang mga apo, at kaniyang anak (ina ng mga bata) habang nasa loob ng kuwarto.
Ayon kay Davao de Oro Police Provincial Office Spokesperson, Police Capt. Jusibelle Abellon, binuhat ng lolo ang kaniyang anak (ina ng mga bata) nang makita niyang buhay pa ito para madala sa ospital.
Tinanong umano ng nito ang kaniyang anak kung siya ang gumawa ng krimen, at tumango umano ang ginang.
Bago ang krimen, napag-alaman na nag-away ang ginang at kinakasama nito na umalis ng bahay para magtrabaho bilang pahinante.
Ayon sa tiyahin ng mga bata na si Arcelly Pescos Rafael, inamin umano ng ginang na siya ang pumatay sa kaniyang mga anak nang tanungin din ng kanilang kamag-anak.
Idinahilan umano ng ginang na nagawa nitong paslangin ang mga anak dahil sa matinding problema. Wala rin umanong gatas ang mga bata at mahinang kumain.
Nananatiling nasa ospital ang ginang matapos sumailalim sa operasyon.
Ayon sa pulisya, nagpahayag ang ama ng mga bata na hindi niya kakasuhan ang ginang. – FRJ GMA Integrated News
