Apat ang nasawi, at isa ang sugatan nang salpukin ng isang kotse ang isang motorsiklo na sakay ang magkasintahan at ilang pedestrian, bago bumangga sa isang bakery sa Angono, Rizal. Ang 66-anyos na babaeng driver ng kotse, inaresto.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Manila East Road sa Barangay San Isidro dakong 1:00 pm nitong Linggo.
Sa CCTV footage, makikita na biglang tumawid ang kotse na mabilis ang takbo at una nitong sinalpok ang motorsiklo na sakay ang magkasintahan.
Dumiretso ang kotse sa bangketa at nabangga ang ilang tao bago sumalpok sa bakery.
Ayon sa pulisya, sinabi umano ng inarestong driver ng kotse na nawalan ng preno ang kaniyang sasakyan sa pababang bahagi ng kalsada hanggang sa makabangga na ang mga biktima.
Kaagad na nasawi ang isang 69-anyos na babaeng homeless at nakaistambay sa lugar.
Dinala naman sa ospital ang iba pang biktima pero binawian din ng buhay kinalaunan ang magkasintahan na sakay ng motorsiklo, at isang 15-anyos na binatilyo.
Sugatan pero nakaligtas ang 13-anyos na isa pang binatilyo.
Kuwento ng kaanak ng magkasintahan, bumiyahe ang mga ito para dumalo sa isang birthday party nang mangyari ang insidente.
Labis ang kanilang hinagpis dahil breadwinner sa pamilya ang isa sa mga nasawi.
Inaresto naman ang 66-anyos na driver na kotse na isang babae, na tumangging humarap sa camera at magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.
Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injuries.—FRJ GMA Integrated News
