Nagkalat ang napakaraming isdang tamban sa dalampasigan sa sa Bulan, Sorsogon matapos na itapon na lang ng ilang mangingisda dahil umano sa oversupply.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita sa video na nagkalat ang sangkatutak na tamban malapit sa Bulan Fish Port sa Barangay Zone 4.

Ilan sa mga isda ang nakabalot pa sa plastic at nagkalat din sa gilid ng dagat.

Sinabi ng Philippine Fisheries Development Authority ng Bulan na nagkaroon ng oversupply ng isda matapos sabay-sabay na pumalaot ang mga mangingisda noong Sabado De Gloria.

Sarado pa noon ang mga fish processing plant na bumibili ng mga nahuling isda.

Bukod dito, hindi rin kinaya ng lokal na pamilihan na bilhin ang lahat ng mga isda.

Dahil dito, patuloy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa pagbabalangkas ng mga hakbang upang matiyak ang maayos na pamamahala sa supply ng tamban.

“Timely and responsible action is essential to prevent oversupply, financial loss, and wastage of marine resources. The DA-BFAR remains committed to working with government agencies, local authorities, and community organizations to implement solutions and promote sustainable fisheries,” ayon sa pahayag ng ahensiya.

Naialis na sa dalampasigan ang mga isda matapos humingi ng tulong ang lokal na pamahalaan sa Bureau of Fire Protection. – Jamil Santos/FRJ GMA News