Binigyan ng isang pre-wedding na sorpresa sina Anjo Pertierra at kaniyang fiancée na si Eunice Jorge ng kanilang “Unang Hirit” family.

Sa episode ng Unang Hirit nitong Miyerkoles, umakyat sa stage sina Eunice at kaniyang banda na Gracenote sa UH Music Fest na ginanap sa Bestlink College of the Philippines sa Quezon City.

Present sina Anjo at kapwa UH host na sina Kaloy Tingcungco at Suzi Entrata-Abrera sa segment.

Sa kanilang set, kinanta ng Gracenote ang “When I Dream About You” at “Wasabi,” na sinulat ni Eunice para kay Anjo matapos silang magkakilala dalawang taon ang nakararaan sa naturang paaralan.

Sa naturang Campus Tour stop ng UH, dalawang taon na ang nakararaan sa nasabing paaralan kung saan nagtanghal din ang banda nang magkakilala sina Eunice at Anjo.

Ngunit sa muling pagtatanghal ng Gracenote nitong Miyerkoles, umakyat si Anjo sa entablado pagkatapos ng performance. Ngunit nanorpresa sina Suzi at Kaloy sa pamamagitan ng isang despedida de soltera y soltero, o isang pinagsamang bachelor at bachelorette party para sa magkasintahan.

Inihanda ang sorpresa sa isang sulok ng entablado, na sinamahan ng mga bouquet at isang wedding cake. Matapos nito ay pinaupo sina Anjo at Eunice sa isang bridal sofa, bawat isa ay nakasuot ng mga sash na may nakasulat na "Groom-to-be" at "Bride-to-be," habang si Eunice ay nagsuot din ng korona.

“Sobrang surreal kasi dito ko siya unang nakita," sabi ni Anjo. "Dito ko siya unang nakitang nag-perform ng live, so iba ‘yung history ng Bestlink College of the Philippines para sa amin.”

Mga mensahe

Espesyal ding dumalo ang mga magulang ni Eunice na sina Belinda at Emanuel, pati na rin ang mga magulang ni Anjo na sina Gloria at Joel, para ibahagi ang kanilang mga taos-pusong mensahe at mabuting hangarin para sa mag-asawa.

“May isang verse lang ako na ibibigay sa kanila. A verse with a promise,” sabi ni Belinda, na binanggit ang Mateo 6:33:

“Seek first the kingdom of God and His righteousness, and all these things shall be added unto you. May your love grow deeper each passing day, and may you always find yourselves going back to God and to each other in every season of life. We love you both, and we are so thankful. Anjo, welcome to our family.”

Mainit ding tinanggap ni Gloria si Eunice sa kanilang pamilya, na nagpahayag ng pasasalamat sa kaligayahang dulot niya sa buhay ng kaniyang anak.

“Eunice welcome to the family. From the very beginning we saw how much happiness you bring to our son’s life and for that we are truly grateful,” sabi niya.

Ayon sa kaniya, bagama't ang buhay may-asawa ay isang paglalakbay na puno ng pagmamahal at pagkatuto, nangangailangan din ito ng pasensiya, at hinikayat si Eunice na patuloy na lumago kasama si Anjo.

“It’s full of love, learning and of course maraming pasensya ha. Habaan mo ‘yung pasensya sa anak ko. Habaan mo lang. But we know that both of you will grow together side by side and of course welcome to the family. For that we are truly grateful and blessed to have you Eunice,” sabi pa ni Gloria.

Bukod sa pagdiriwang ng despedida, niregaluhan ng "Unang Hirit" ang magkasintahan, kabilang ang isang higanteng unan na may naka-print na mukha nila at magkaparehong pajama ng magkasintahan.

Ibinahagi ng host at news anchor ng "Unang Hirit" na si Arnold Clavio, na magsisilbing isa sa mga pangunahing sponsor ng magkasintahan, ang kaniyang mensahe para sa magkasintahan.

“Kaligayahan sa inyong dalawa. Kayo ay itinadhana—sana huwag ninyong biguin ‘yon at panindigan hanggang sa huli sa gitna ni Hesus. Congratulations ulit! Love, love, love!” sabi niya.

Naging engaged sina Anjo at Eunice noong Hulyo 2025, na kaarawan din ni Eunice.

Nakatakdang ikasal ang dalawa sa Linggo, Abril 12.—FRJ GMA News