Sapul sa CCTV ang tila pag-sign of the cross pa ng isang lalaki bago siya mangholdap ng isang Indian national sa isang eskinita sa Cainta, Rizal. Ngunit ang biktima, hindi na nagsampa ng reklamo.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood na nagpabalik-balik ang isang lalaking nakasumbrero sa isang eskinita sa Barangay San Juan.
Maya-maya pa, bumunot ng patalim ang lalaki mula sa kaniyang likuran bago tumambay at sumandal sa pader ng isang bahay na tila may inaabangan.
Ang lalaki, tila nag-sign of the cross pa saka nagtago sa gilid ng bahay.
Hanggang sa isang lalaking Indian national na naka-helmet ang dumating, pero hinarang siya ng lalaking nagtago at nagdeklara ng holdap.
Matapos nito, tumakas ang salarin.
Sinabi ng isang community leader sa lugar na natangay ng lalaki ang P5,000 cash ng biktima na naniningil ng pautang noon.
Nakilala ng neighborhood association sa lugar ang suspek pero wala ito sa bahay nang puntahan.
“Kinorner niya sa isang eskinita. Tapos ‘yun, nakuha na niya ‘yung pera. Sabi ni Indian national P5,000. Pero sabi nu’ng kumuha P1,500, base roon sa pahayag ng pamilya. Nakilala namin 'yung tao na kapitbahay namin. So pinatawag namin 'yung pamilya. 'Yung lola lang 'yung pumunta. Pati 'yung suspek hindi na namin nakita,” sabi ni Cesar Quiaño, presidente ng Bagong Silang Neighborhood Association.
Hindi na rekober umano ang perang ninakaw.
Hindi na itinuloy ng biktima ang pagsasampa ng reklamo laban sa suspek, ngunit hinihimok siya ng barangay na magpa-blotter.
“Hinihikayat po namin 'yung biktima na hangga't maaari makipagtulungan, mag-blotter para at least magawan po natin ng aksyon… itong nangyari na pagnanakaw nito,” sabi ni Ferdinand Del Rosario, deputy tanod ng Barangay San Juan.
Dati nang nasangkot sa ilan pang insidente ng panghuholdap at pagnanakaw ang suspek.
Nabilanggo na siya noong Pebrero at nakalaya nito lamang nakaraang buwan. —Jamil Santos/VBL GMA News
