Isang 13-anyos na lalaki ang nasawi, habang pito pa ang sugatan sa nangyaring banggaan ng isang tricycle, isang pickup truck, at isang Sports Utility Vehicle (SUV) sa De Venecia Highway Extension sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng Miyerkoles.
Sa video footage, makikita na nagmamadali ang mga tao na iangat ang tricycle para maialis mula sa pagkakaipit ang mga pasahero nitong biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na mula sa Pantal at mayroong walong pasahero ang tricycle—kabilang ang nasawing binatilyo—at tinatahak ang pababang kalsada patungo sa Lucao nang mabangga ito ng pickup truck na galing kabayanan.
“Yung sa tricycle, pababa po siya ng Pantal papunta Lucao, then yung isa namang vehicle… galing po siya ng bayan… Yung tricycle nabunggo niya yung likod ng pick up,” ayon kay Police Captain Pete Oliver Soriano, hepe ng Dagupan City Police Station 1.
Sa lakas ng pagkakabangga, umikot ang tricycle at napunta sa kabilang bahagi ng kalsada at nabangga muli ng isang SUV.
“Bale punong-puno yung tricycle. Bale walo yung karga ng tricycle kaya hindi po agad kumagat yung preno,” sabi ni Soriano.
Ayon din sa pulisya, nagkausap na at nagkasundo ang mga partidong sangkot sa insidente.
Sinisikap ng GMA Regional TV One North Central Luzon na makuhanan ng pahayag ang mga biktima o kanilang mga kaanak.—FRJ GMA Integrated News
