Sugatan ang driver ng isang truck matapos siyang talunin at saksakin ng tinaguriang “jumper boys” habang nakatigil ang kaniyang sasakyan sa Mel Lopez Boulevard (Road 10) sa Maynila.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong madaling araw ng April 25.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, MPD spokesman, sinubukan ng mga suspek na pagnakawan ang truck pero nanlaban ang driver na nagtamo ng minor injuries matapos saksakin ng mga suspek.
Tumakas ang dalawang suspek matapos gawin ang krimen. Pero sa tulong ng video, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, at naaresto na ang isa sa kanila.
Sinabi ni Ines, na 19-anyos ang nadakip na suspek, at residente sa Tundo.
Natukoy na rin ang isa pang suspek na 26-anyos na hinahanap na rin ng mga awtoridad.
Sasampahan ang mga suspek ng reklamong attempted robbery.
Samantala, nahuli-cam naman sa Osmena Highway sa Maynila rin ang paghablot ng isang lalaki sa cellphone ng isang motorista na nasa loob ng kaniyang sasakyan.
Nangyari ang insidente habang nakatigil din ang sasakyan noong April 19.
Pero ilang araw matapos ang krimen, nadakip siya ng mga awtoridad at nahulihan pa ng pen gun.
Napag-alaman din na dati na umanong may kasong robbery ang suspek noong 2024 at illegal gambling noong 2025.—FRJ GMA Integrated News
