Nilinaw ng Meralco ngayong Lunes ang mga detalye tungkol sa mga bayarin na nakasaad sa singil sa kuryente. Kabilang na rito ang subsidiya para sa senior citizen at lifeline rate na aprubado ng mga regulator bago ipatupad.
Ayon sa Meralco, napupunta ang ilang bahagi ng bayarin sa mga programa ng gobyerno na tumutulong sa mga kostumer na maliit ang kita at mahihirap. Habang ginagamit naman ang iba upang suportahan ang mga proyektong renewable energy tulad ng solar at wind.
Layunin nito na matulungan ang bansa na lumipat sa mas malinis na enerhiya.
“Meralco, just like other electricity distributors across the country, operates under strict regulatory oversight that ensures all charges are lawful, transparent, and properly vetted,” saad sa pahayag ni Meralco vice president and Corporate Communications head Joe Zaldarriaga.
“Every line item in your electricity bill has been approved before it is reflected and implemented,” dagdag niya.
Nauna nang ipinaliwanag ng Meralco ang listahan ng mga binabayaran ng kanilang mga kliyente sa kuryente:
55% sa generation charges (gastos sa kuryenteng binibili mula sa mga supplier)
17.5% sa distribution costs (operations and maintenance)
11.7% sa buwis
10.1% sa transmission charge
5.7% iba pang singilin
Ngayong Abril, mas mataas din ang singil sa kuryente ng 53 centavos per kilowatt-hour, na nagresulta sa dagdag na humigit-kumulang ₱106 sa buwanang bayarin ng isang tipikal na bahay na kumokonsumo ng 200 kWh.
Ang Meralco ang nagtayo, nagpapatakbo, at nagpapanatili ng mga electric distribution system sa Bulacan, Cavite, Metro Manila, at Rizal, pati na rin sa ilang bahagi ng Batangas, Laguna, Pampanga, at Quezon.
Kamakailan lang, maraming netizens ang nag-post ng kanilang binayarang konsumo sa kuryente na labis umanong mas mataas kumpara sa dati nilang mga binayaran. – Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA News

