Patay na nang matagpuan sa loob ng bahay ang isang mag-asawa sa Tanay, Rizal. Ang ginang, nagtamo ng sugat sa ulo mula sa palakol na hinihinalang gawa ng kaniyang mister.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nadiskubre ang bangkay ng mag-asawa noong Linggo sa bahay ng suspek nang bumisita roon ang ina ng lalaki.

Ayon sa pulisya, lumitaw sa imbestigasyon na hiwalay na ang mag-asawa,  at nagtungo lang ang 37-anyos na babae sa bahay ng 45-anyos na suspek para humingi sana ng sustento para sa anim nilang anak.

Selos ang nakikita ng mga awtoridad na motibo sa krimen, batay na rin sa pahayag ng isang saksi.

Ayon sa pulisya, ikinuwento ng saksi, nadinig niya ang pagtatalo ng mag-asawa noong Sabado sa loob ng bahay. Nadinig din umano nito ang babae na nagsasabi na “tama na, tama na.” Habang nagsalita umano ang lalaki na “niloloko mo ako,” na nasundan ng malakas na kalabog at katahimikan na ang sumunod.

Nakuha sa tabi ng bangkay ng biktima ang isang palakol.

Tumanggi na umano ang mga kaanak ng mag-asawa na isailalim pa sa awtopsiya ang kanilang mga labi.

Sinubukan ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng nasawi pero tumanggi sila, ayon sa ulat. – FRJ GMA News