Isinailalim sa state of calamity ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa pinagsamang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis at matinding init dulot ng El Niño-Southern Oscillation (ENSO).
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing nagdeklara si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua ng state of calamity upang tugunan ang lumalalang mga problema na dulot ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at matinding kondisyon ng panahon na kaugnay sa El Niño.
“El Niño-Southern Oscillation (ENSO)-neutral conditions prevailing over the Tropical Pacific have triggered an El Niño Alert since April 22, 2026, with climate models projecting the phenomenon to continue until early 2027,” saad sa bahagi ng proklamasyon.
Ayon sa ulat ng GMA News Online, nananatili ang Pilipinas sa ilalim ng ENSO-neutral conditions na ang ibig sabihin, wala pang El Niño o La Niña na direktang nakakaaapekto sa klima sa kasalukuyan.
Gayunman, sinabi ng state weather bureau na PAGASA, na tumataas ang posibilidad na magkaroon ng El Niño pagsapit ng Hunyo.
Inihayag ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) na naapektuhan na ng ENSO ang humigit-kumulang 800 magsasaka ng palay at mais sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte.
Batay sa datos, tinatayang 851 ektarya ng sakahan sa 36 bayan at 167 barangay ang napinsala hanggang Abril 24, 2026, kabilang ang 537 ektarya ng palayan at 314 ektarya ng maisan.
Dagdag pa ng mga awtoridad, nagdulot din ang tagtuyot ng pagkalugi ng humigit-kumulang 1,500 metriko tonelada ng palay at mais.
Binanggit din sa proklamasyon ang lumalaking epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.
Nauna nang binuo noong Marso ang Bangsamoro Oil Crisis Impact Task Force (BOCITF) matapos tumaas ang presyo ng langis, na nakaapekto sa transportasyon, supply chain ng pagkain, at mahahalagang serbisyo sa buong rehiyon.
Ayon sa proklamasyon, ang pinagsamang epekto ng ENSO at pagtaas ng presyo ng langis ay nakaapekto sa seguridad sa pagkain, transportasyon, kabuhayan, at pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayan ng Bangsamoro.
Nagsimulang ipatupad ang deklarasyon noong Mayo 14, 2026, at mananatili itong epektibo hanggang sa bawiin ito.
Dahil dito, nanawagan si Macacua ng agarang aksyon mula sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor, kabilang ang pagpapadali ng international humanitarian assistance upang makatulong sa pagresolba ng mga krisis.
“The Bangsamoro Government and local government units may immediately access calamity and emergency funds for rescue, relief, recovery, and rehabilitation efforts, including the delivery of essential services to affected communities,” saad ng opisyal.
“All concerned ministries, offices, and agencies of the Bangsamoro Government are hereby directed to continuously undertake urgent and critical disaster response to save lives, reduce adverse impacts, ensure public safety, and meet the basic subsistence needs of the Bangsamoro people,” dagdag niya. – FRJ GMA News

