Apat na katao ang nasawi--kabilang ang isang pulis at isang barangay chairman -- sa insidente ng pamamaril sa Santo Tomas, Isabela noong Linggo, ayon sa Police Regional Office 2 (PRO2) nitong Lunes.
Sa isang pahayag, kinilala ng PRO2 ang mga nasawi na sina Barangay Colonguan chairman Jimmy Paeste Jr., Police Corporal Frederick Bautista, isang alyas “Marlo,” at isang alyas “Den.”
Apat na iba pa ang sugatan, kabilang ang isang 17-anyos na dalagita at isa pang pulis.
Ayon sa pulisya, nangyari ang pamamaril dakong 7:50 pm sa Barangay San Rafael Abajo habang ginaganap ang pista ng bayan. Bigla umanong nagpaputok ang hindi pa nakikilalang mga suspek laban sa mga biktima.
Posible umanong gumamit ang mga salarin ng isang puting van at dalawang motorsiklo bilang getaway vehicles.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala ng 5.56mm caliber at dalawang basyo ng .45 caliber.
Bumuo na ng isang Special Investigation Task Group upang mangasiwa sa imbestigasyon at pamunuan ang pagtugis sa mga suspek.
Hinimok ng PRO2 ang publiko na manatiling kalmado at makipagtulungan sa mga imbestigador sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyong makatutulong sa paglutas ng kaso.
“Inatasan ko na ang Isabela PPO at lahat ng concerned units na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang agad matukoy at maaresto ang mga responsable,” ayon kay PRO2 chief Police Brigadier General Mariano Rodriguez.
“Patuloy ang lahat ng operasyon hanggang sa mapanagot ang mga nasa likod ng insidenteng ito,” dagdag niya. — Joviland Rita/FRJ GMA News
