Nasa 30 katao na nakainom umano ang nagrambulan sa isang beach resort sa Barangay Bonbon, Cagayan de Oro City. Ang ugat umano ng gulo, ang pagsaboy ng tubig sa isang bata.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, inihayag ng pulisya na nagsimula ang kaguluhan nang sabuyan umano ng tubig ng isang lalaki ang isang bata, na hindi naman nagustuhan ng ama ng bata.
Sabi pa ni Police Capt. Emilita Simon, tagapagsalita ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang mga sangkot sa gulo hanggang sa nauwi na sa suntukan at may mga natumba sa lupa.
Natigil lamang ang kaguluhan nang dumating na ang mga pulis.
Ayon sa COCPO, karamihan sa mga sangkot sa gulo ay mga residente ng Talakag, Bukidnon na bumisita sa resort para sa isang selebrasyon. Habang may binyag naman na dinaluhan ang kabilang grupo.
Wala namang malubhang nasugatan sa insidente, at wala ring inaresto dahil magkasundo rin ang magkabilang panig. Wala rin namang nasirang ari-arian, ayon sa pamunuan ng resort.
Inihayag ni Simon, na pinapunta ang mga sangkot sa gulo sa Police Station 4 na nais magsampa ng reklamo pero wala na umanong nagpakita. Hindi rin nagsampa ng reklamo ang may-ari ng resort dahil wala naman umanong nasirang ari-arian sa kanilang resort.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga may-ari ng resort na paigtingin ang seguridad, kontrolin ang pagbebenta ng alak, at panatilihin ang talaan ng mga bisita upang makatulong na maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.—FRJ GMA News
