Isang ginang at kaniyang anak na apat na taong gulang na lalaki ang nasawi matapos umano silang paghahampasin ng isang 14-anyos na binatilyo sa San Pablo, Laguna.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa video footage na napatakbo ang padre de pamilya ng mga biktima nang makita niya ang nawawalang anak na duguan sa ilalim ng tambak ng mga kawayan.

Agad siyang humingi ng tulong para madala sa ospital ang bata pero idineklara na itong dead on arrival.

Natagpuan din na wala nang ang ina ng bata sa madilim na bahagi ng subdivision.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakaranas umano ng pang-aabuso ang binatilyong suspek ngunit hindi pa malinaw kung sino ang responsable. Hawak na siya ng mga awtoridad at inaalam pa ang motibo sa krimen.

"Maltreated ang initial appreciation doon, nama-maltreat na iyong 14 years old ano?" sabi ni Police Regional Office 4-A regional director Police Brigadier General Hansel Marantan. “Sometimes, iyong mga salita kasi natin, sometimes it's a...piercing.” – FRJ GMA News