Binaril at napatay sa bukid ang isang aso sa Dumangas, Iloilo. Ayon sa may-ari sa aso, lagi itong sumasama sa kaniya sa trabaho hanggang sa may narinig na lang sila na putok ng baril.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, sinabing nagtamo ng tama ng bala sa balikat at leeg ang 10-buwang-gulang na asong si “Butod.,”

Kuwento ng may-ari sa aso na si Ernel Dimzon, palagi siyang sinasamahan ni “Butod” sa kaniyang palaisdaan. Hanggang sabihan na lang siya ng isa niyang tauhan sa palaisdaan na may narinig itong putok ng baril.

“May tao ako dito sa palaisdaan. Pagbalik raw niya, may narinig siyang putok ng baril sa kabilang bahay. Baka raw aso ko iyon. Diyan na siya natagpuan. Ang laki ng bala,” ani Dimzon.

Iniulat ni Dimzon ang insidente sa barangay at ipina-blotter din ito sa pulisya.

Determinado siyang magsampa ng kaso laban sa tao na bumaril sa kaniyang aso kapag natukoy na ito.

Ayon kay Analyn Dungon, kapitana ng Barangay Ermita, hindi nila kinukunsinti ang kalupitan sa mga hayop.

“Hindi namin tino-tolerate kasi may batas tayong bawal talaga na patayin ang aso,” aniya.

Nakapagtala kamakailan ang lalawigan ng Iloilo ng ilang kaso ng animal cruelty, at sinabi ng pulisya na prayoridad nilang tugunan ang mga ito.

“Binibigyan na iyan natin ng priority. It’s because ang Animal Welfare Act is a national law and we are obligated na mag-implement niyan,” ayon kay Police Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng Iloilo Police Provincial Office.

Pinaalalahanan naman ni Clarissa Decena, isang tagapagtaguyod ng kapakanan ng hayop, ang publiko na may kaparusahan sa ilalim ng batas ang pagpatay sa aso.

“Bale, Animal Welfare Act, may part na hindi pwedeng manakit at mang-torture ng mga aso. Hindi rin sila dapat pabayaan o i-maltrato,” paliwanag niya. -- FRJ GMA News