Patay ang isang rider matapos dumulas ang kaniyang motorsiklo at sumalpok sa kasalubong na Asian Utility Vehicle (AUV) sa pakurbang bahagi ng Sumulong Highway sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, makikita ang pagdausdos ng motorsiklo sa palikong bahagi ng highway at nagdire-diretso sa kabilang bahagi ng kalsada kung saan sumalpok ang biktima sa kasalubong na AUV.
Isinugod sa ospital ng mga rumespondeng rescuer ang binatang rider ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Sa lakas ng pagkakabangga, nasira rin ang motorsiklo ng rider, at nagtamo rin ng pinsala ang sasakyang nabangga nito.
Nagkausap na ang kampo ng nasawing rider at ang driver ng AUV. – Jamil Santos/FRJ GMA News

