Umakyat na sa 20 ang bilang ng mga namatay sa pagguho ng isang ginagawang gusali sa Barangay Balibago, Angeles City sa Pampanga, ayon sa Bureau Fire Protection (BFP) Central Luzon nitong Martes.

Sa isang ulat, sinabi ng BFP Central Luzon na tatlo pang bangkay ang narekober mula sa pagguho nitong Martes ng hapon, sa mga oras na 1:13 p.m., 1:17 p.m., at 1:19 p.m.

“As responders worked to establish access to Victim #18, who was located at 1110H, the operation led to the discovery of two more victims at 1303H, later designated as Victim #19 and Victim #20,” saad ng BFP Central Luzon.

“Victim #19 was subsequently extricated at 1313H, followed by Victim #18 at 1317H and Victim #20 at 1319H,” dagdag nito.

Ayon pa sa BFP Central Luzon, patuloy ang mga operasyon habang maingat na inaalis ng mga responder ang mga debris at pinalalawak ang daanan papasok sa loob ng lugar ng pagguho.

Matapos ang pagrekober, sinabi ng mga awtoridad na 20 ang kumpirmadong patay, 27 ang nailigtas, at wala nang naiulat na nawawala sa insidente.

Gumuho ang siyam na palapag na itinatayong gusali bago magbukang-liwayway noong Mayo 24.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), posibleng may mga paglabag sa mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho sa lugar ng konstruksyon.

Dati nang isinailalim ang construction project sa isang work stoppage order na inisyu ng DOLE Region 3 dahil sa mga kakulangan sa kaligtasan.

Kalaunan, ipinagpatuloy ito matapos mapaulat na sumunod ang kompanya sa requirement ng ahensiya.

Noong Sabado, dumalo sa isang punong balitaan ang mga abogado ng may-ari at kontratista ng istruktura isang linggo pagkatapos ng insidente.

Sinabi ng isa sa mga abogado na handang magpaabot ng tulong sa mga biktima ang may-ari ng gusali at naghahangad sila na magsagawa ng isang independiyenteng imbestigasyon sa insidente.

“Una po naming kinausap iyon pong Office of the Mayor po. Sila po ‘yung puwedeng tumulong sa amin at ipinaliwanag din po namin kung kakailangan pong pinansyal na tulong,” sabi ni Atty. Willie Rivera, isang kinatawan ng may-ari ng gusali.

“Hindi po tatakbo si contractor sa mga assistance na hihingiin ng families. Ang number one priority nila ngayon ay to help the affected families,” sabi naman ni Atty. Nicolai Manguerra, isang kinatawan ng contractor.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.—Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA News