Dalawang lalaki na nag-uusap lang sa kubo ang nasawi matapos silang pagbabarilin habang sa Kadayangan Special Geographic Area Bangsamoro Autonomous Region in Muslim, Mindanao.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, iniulat ng pulisya na nag-uusap noon ang mga biktima sa kubo na nasa gilid ng kalsada sa Barangay Malingao nang mangyari ang pamamaril.

Maya-maya pa, bigla na silang inatake at pinagbabaril ng mga hindi pa matukoy na mga armadong lalaki Martes ng umaga. Pitong iba pa ang sugatan.

Tumakas ang mga salarin sakay ng dalawang motorsiklo, habang narekober ang ilang basyo ng bala ng baril sa crime scene.

Ayon sa pulisya, hinihinalang rido o personal na alitan sa pamilya ang motibo sa krimen.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng Midsayap Police at 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army, at hinigpitan na rin ang seguridad sa lugar.—Jamil Santos/FRJ GMA News