Handang makipagsapalaran sa ibang bansa ang karamihan sa mga adult na Pilipino kung mabibigyan ng pagkakataon. Ang dahilan, may mas magandang oportunidad sa trabaho, mas mataas na sahod ang pangingibang-bansa at mas magandang kalidad ng buhay, ayon sa OCTA Research nitong Lunes.
Batay ito sa Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research na isinagawa mula Marso 9 hanggang 25, 2026 sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 respondent na may edad 18 pataas. Ang survey ay may ±3% margin of error sa 95% confidence level.
“Migration is not a fringe aspiration – it cuts across regions, income groups, and educational levels,” saad OCTA.
Batay sa resulta ng survey, 57% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nagsabing handa silang manirahan o magtrabaho sa ibang bansa kung magkakaroon ng pagkakataon. Samantala, 39% ang nagsabing hindi sila handang mangibang-bansa, habang 4% ang hindi pa nakapagpapasya.
Sa mga pangunahing rehiyon, pinakamataas ang kahandaang mangibang-bansa sa Balance Luzon (59%), sinundan ng Mindanao (56%), Visayas (55%), at National Capital Region (NCR) o Metro Manila (53%).
Samantala, pinakamataas ang porsiyento ng mga ayaw mangibang-bansa ang nasa NCR (45%) at pinakamababa sa Visayas (34%). Naitala rin sa Visayas ang pinakamataas na bilang ng mga hindi pa makapagpasya (11%).
Sa usapin ng antas ng kabuhayan, halos magkakapareho ang kahandaang mangibang-bansa: 57% sa mga kabilang sa Class D at E, at 56% sa Class ABC.
Ayon sa OCTA Research, ipinapakita sa survey na, “migration remains a mainstream aspiration among Filipinos rather than a preference limited to specific sectors of society, and continues to occupy an important place in how many Filipinos envision economic advancement, career development, and long-term family well-being.”
Natuklasan din sa survey na ang pangunahing dahilan ng pagnanais na mangibang-bansa ay may kaugnayan sa ekonomiya.
Kabilang sa mga dahilan na binanggit ng mga respondent ang mas magandang oportunidad sa trabaho (67%), mas mataas na sahod (61%), at mas magandang kalidad ng buhay (58%).
Iba pang dahilan ang mas maraming oportunidad sa edukasyon (20%), pagkakaroon ng karanasan sa ibang bansa (20%), muling pagsasama-sama ng pamilya (16%), at kaligtasan o katatagang pampulitika (14%).
“Overall, the survey results suggest that migration remains an option many adult Filipinos are willing to consider, particularly younger respondents, urban residents, and those with higher educational attainment. The reasons cited are largely economic, with better job opportunities, higher wages, and improved quality of life emerging as the leading motivations,” ayon sa OCTA.
Dagdag nito, “the variation across regions, age groups, and educational levels indicates that attitudes toward migration are not uniform and may reflect different personal circumstances, economic expectations, and life-stage considerations among respondents.”
Sinabi pa ng OCTA na ipinapakita sa survey na ang migrasyon ay higit na tinitingnan bilang landas tungo sa pag-unlad at pag-angat ng buhay kaysa simpleng tugon sa kahirapan o kawalang-katatagan.
Binigyang-diin din ng OCTA Research na ang survey ay sumusukat lamang sa kahandaan o pagiging bukas ng mga tao sa pangingibang-bansa at hindi sa kongkretong plano na umalis ng bansa. Dahil dito, ang mga resulta ay hindi umano dapat ituring bilang direktang sukatan ng kawalan ng kasiyahan sa kalagayan ng Pilipinas.
“Rather, they provide insight into how Filipinos assess available opportunities and the extent to which international mobility remains an attractive option for improving their economic prospects and quality of life,” ayon sa OCTA Research.
Magiging malaking hamon din umano ito para sa gumagawa ng polisiya sa bansa kung papaano makapagbibigay ng “comparable opportunities increasingly available at home.”
“Filipinos want better jobs, higher pay, and more promising futures – and as long as those are more reliably found abroad than at home, migration will remain a rational choice. The policy response must therefore go beyond investment pipelines and economic growth targets. It must grapple directly with the quality of work available to ordinary Filipinos,” dagdag nito. — FRJ GMA News

