Umakyat na sa pito ang nasawi sa dump truck na may sakay na mga kawani ng isang solar power plant project na nahulog sa bangin sa Barangay Barangay Bolo sa Labrador, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing ang ikapitong biktima ay pumanaw habang ginagamot sa ospital.

“Meron na pong pito, latest doon sa namatay. At meron pa po tayong mga nasa ospital,” ayon kay Police Captain John Ramos, officer-in-charge ng Labrador Police Station.

Sinabi ng mga awtoridad na pupuntahan nila ang mga ospital kung saan dinala ang mga sugatan upang bitahin at mabantayan ang kanilang kalagayan at makakuha ng karagdagang impormasyon para sa imbestigasyon.

Ang mga biktima ay mga empleyado ng isang solar power plant project sa lugar. Nakipagpulong umano nitong Miyerkules ang mga kinatawan ng kumpanya sa mga lokal na opisyal, at tiniyak na magbibigay sila ng tulong sa mga pamilya ng mga namatay at nasugatan.

“Sabi naman nila, wala naman na tayong magagawa diyan kasi aksidente naman po. And then, kami naman sabi niya, we are willing to help those people dahil siyempre hindi naman nila kagustuhan,” ayon kay Ramos na sinabi umano ng kinatawan ng kompanta..

Bumalik naman ang mga pulis sa lugar ng aksidente nitong Huwebes, upang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon. Nakibahagi rin sa pagsisiyasat ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at inaasahang magsasagawa rin sila ng hiwalay na pagsisiyasat.

Ayon kay Ramos, susuriin ng NBI ang ilang aspeto ng kaso, kabilang ang mga dokumento at posibleng pagkukulang ng ilang indibidwal na sangkot sa proyekto.

“Si NBI naman, Sir, since may mga Chinese na nandoon. So, titingnan nila kung mayroon ba sila talagang papel or may lapses din doon sa part nila. So, ni-request ni mayor na pasamahin po sila,” ani Ramos.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng aksidente. Gayunman, batay sa paunang imbestigasyon, posibleng nagkaroon ng mekanikal na depekto ang truck na naging dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan at nahulog sa bangin.

Sinabi ng pulisya na hinihintay pa nila ang pahayag ng mga kamag-anak ng mga biktima, na kasalukuyan pa ring nagdadalamhati. Hinihikayat ng mga imbestigador ang mga pamilya na makipag-ugnayan sa mga awtoridad bilang bahagi ng nagpapatuloy na proseso ng kaso.—FRJ GMA News