Inilahad ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na hindi umano aksidente ang pagkamatay ng Ateneo Men's Basketball Team players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili na nalunod sa Dipaculao, Aurora.
“No. No, it's not,” tugon ni Police Major General Robert Morico, Director ng CIDG, nang tanungin sa isang punong balitaan kung aksidente ang sinapit ng dalawang player, na iniulat ni John Consulta sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes.
Lumabas umano sa imbestigasyon na nasa dagat ang halos lahat ng mga player na nasa 700 metro ang layo mula sa resort.
Mapanonood pa sa video na alam nila ang kalagayan ng dagat noong mga sandaling iyon.
“You won't send somebody doon on that condition. I guess we wouldn't dare to go there, sa water, during that time… They were aware that the current was strong prior to leaving.” ani Morico.
Dagdag ng CIDG, hindi lang sina Baterbonia at Adili ang nadisgrasya.
“Some of them already experienced na makainom ng water, including a foreigner one, another one,” sabi ni Morico.
Ipina-subpoena ng CIDG ang 48 nang mga indibiduwal. Muli ring ipina-subpoena si dating Ateneo head coach Tab Baldwin, pero hindi pa nagpakita.
“Man up, be man enough to face the investigation,” paghikayat ni Morico kay Baldwin.
Naglabas na ang DOJ ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) para kay Baldwin, pati na rin kina dating Ateneo team manager, Christopher "Epok" Quimpo, at iba pang Ateneo coaches na sina Reynaldo Jacinto Jr., Dean Castaño at Sandro Soriano.
Sinabi ng DOJ na mag-aalerto sa mga awtoridad kung magtatangka silang lumabas ng bansa. Gayunman, hindi pipigilan ang kanilang pagbiyahe at hindi rin kompirmasyon ng kanilang pananagutan.
Kasama rin sa tinitingnan ng DOJ kung may pananagutan ang Ateneo de Manila University.
Kaugnay sa pahayag ng CIDG na hindi aksidente ang nangyari sa Aurora, sinabi ng Ateneo sa bagong pahayag na ilalaan nila ang mga komento at paglilinaw sa isasagawang mga opisyal na prosesong legal.
Patuloy din umano silang makikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.
"Out of deep respect for this formal process and the 48 individuals currently subpoenaed, we will reserve all specific comments and factual clarifications for the official legal proceedings," saad sa pahayag ng Ateneo de Manila University.
"The university remains fully committed to cooperating with the authorities to ensure absolute transparency, truth, and justice, while continuing to prioritize pastoral care and direct support for the bereaved families during this profoundly difficult time," dagdag nito.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha naman ang panig ng mga inisyuhan ng ILBO at pahayag ng CIDG.
Matatandaang nauna nang humingi ng tawad si Baldwin sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili.
Ginawa umano nila ang lahat ngunit hindi na kinayang isalba ang buhay ng dalawang manlalaro.
Nagbitiw na sina Baldwin at Quimpo bilang head coach at team manager ng koponan.
Samantala sa NBI, dumating ang 11 basketball player ng Ateneo kasama ang kanilang abogado at kaanak.
Siniguro ni NBI Director Melvin Matibag, na isa ring Atenista, na magiging patas at professional ang kanilang imbestigasyon.
Inaasahan din ng ahensiya na haharap na rin si Coach Baldwin sa Biyernes para magbigay ng salaysay.– Jamil Santos/FRJ GMA News
