Nakamit ng isang tatay ang bagong achievement na sakto para sa Father’s Day, nang makapasa na siya sa Alternative Learning System o ALS ng Department of Education (DepEd).
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, itinampok si Tatay Ronaldo Tabanao.
Ayon sa kaniyang anak na si YouScooper Jael Tabanao, muling bumalik sa pag-aaral si Tatay Ronaldo na napilitang huminto noon dahil sa hirap ng buhay.
Makaraan ang ilang taon na panghihikayat ng kanilang pamilya, nag-enroll na rin si Tatay Ronaldo sa ALS.
Nakunan pa si Tatay Ronaldo na nagsasaulo ng tula sa isang video matapos ang buong araw na pagtatrabaho bilang tricycle driver.
Sa tulong at suporta ng kaniyang pamilya, nakamit na niya ang bagong tagumpay.
Ang ALS ay programa ng DepEd na nagbibigay ng pagkakataon sa mga out-of-school youth at matatanda na makompleto ang pag-aaral sa elementarya at high school sa labas ng tradisyunal na sistema ng pag-aaral na pumapasok sa paaralan. – Jamil Santos/FRJ GMA News
