Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang matandang lalaki na tinangka umanong pagsamantalahan ang isang babae na isinama niya sa loob ng isang inn sa Kabacan, Cotabato.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, makikita sa CCTV footage sa loob ng isang inn nitong Biyernes, ang pagpasok ng suspek at bata na naka-school uniform sa loob ng kuwarto.
Ilang saglit lang, patakbong lumabas ng kuwarto ang bata at hindi na nagawang mahabol ng lalaki.
Sa isa pang footage, makikita ang suspek sa front desk at humihiling umano sa kahera ng refund sa kaniyang ibinayad.
Ayon sa ina ng bata, pauwi na ang kaniyang anak mula sa paaralan nang mangyari ang insidente.
Nilapitan umano ng suspek ang biktima at nag-alok na bubuhatin ang mga dala ng bata. Pero sa halip, dinala lalaki ang bata sa inn.
Sa loob ng kuwarto, tinangka umano ng suspek na halikan ang biktima. Itinulak ng bata ang suspek, at nakatakbo palabas ng kuwarto ang biktima.
Sinabi umano ng suspek sa kahera ng inn na anak niya ang bata kaya pinayagan maipasok sa loob ng kuwarto.
Nag-alaok ang lokal na pamahalaan ng Kabacan ng P100,000 pabuya sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek para maaresto.
Nasa pangangalaga ng kaniyang magulang bata at sasailalim sa intervention ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD).—FRJ GMA News
