Isa na namang motorcycle rider ang nasawi matapos tumilapon at mahulog mula sa isang tulay sa Pandacan, Maynila. Ang biktima, isa umanong call center agent.
Patay ang isang motorcycle rider matapos na lumampas sa railing hanggang sa mahulog mula sa isang tulay sa maynila.
Sa ulat ni Gabriel Gonzalez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa ibabaw ng Nagtahan Bridge Link One 7 dakong 7:00 am nitong Linggo.
Hinihinalang nawalan ng kontrol ang biktima sa minamaneho niyang motorsiklo kaya siya sumalpok sa gutter ng tulay, tumilapon at nahulog.
“Lumagpas sa railing. Nakainom daw po yata ewan ko kung umover-take ba o ano, hindi siguro nakabawi, dumiretso sa railing,” ayon kay Gerry Yares, executive officer, Barangay 864.
Dinala sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival
Noong Abril, isang delivery rider ang nasawi nang maaksidente rin siya sa naturang tulay. Nahulog din ang biktima at bumagsak sa isang pagawaan ng beer sa ibaba. – FRJ GMA News
