Inihayag ng bagong talagang Embahador ng Amerika sa Pilipinas na si Lee Lipton ang pananabik niyang palakasin pa lalo ang alyansa ng Manila at Washington, kasabay ng paggunita ng US Embassy sa Pilipinas sa ika-250 anibersaryo ng kalayaan ng Amerika.

Ito ang kauna-unahang public appearance ni Lipton matapos niyang ipresenta ang kaniyang credentials at makipagpulong kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kamakailan.

“It is an honor of a lifetime to be appointed by President Trump to serve my country in Manila. I’m so excited to be here and elevate the United States alliance with the Philippines to new heights,” sabi ni Lipton sa reception celebrating ng US 250th year of independence, na ginanap sa Bonifacio Global City sa Taguig nitong Huwebes.

Ayon kay Lipton, may malalaking plano ang Amerika para sa Pilipinas, hindi lamang sa larangan ng depensa at seguridad sa karagatan, kundi maging sa negosyo, trabaho, pamumuhunan, at iba pang tulong.

“We have some really big plans to bring American business jobs, investment, assistance and so much more to the Filipino people,” saad ni Lipton.

Ang pagdiriwang na may temang "Freedom 250: Celebrating 250 Years of US Independence," ay nagbigay-diin din sa matagal nang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos habang ipinagdiriwang ng dalawang bansa ang ika-80 anibersaryo ng diplomatikong relasyon.

May umiiral na Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ang Pilipinas at Estados Unidos.

Sa nakalipas na mga taon, pinalawak din ng Pilipinas ang pakikipagtulungan nito sa larangan ng depensa sa iba pang mga bansang kaalyado-- kabilang ang Australia, Canada, at New Zealand sa pamamagitan ng mga kasunduan sa pagbisita ng mga puwersang militar.

Lumagda rin ang Japan sa Reciprocal Access Agreement kasama ang Pilipinas.

Ipinahayag ng nasabing mga bansa ang kanilang suporta sa Pilipinas sa usapin ng depensa at seguridad sa karagatan, kabilang ang pagtatanggol sa mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Ngayong taon, isinagawa rin ng Pilipinas at Amerika ang pinakamalawak na Balikatan Exercises sa kasaysayan, na nilahukan ng nasa 17,000 tauhan mula sa Pilipinas, Estados Unidos, at iba pang partner nations.

Sa kabila ng lumalawak na bilang ng mga bansang katuwang ng Pilipinas sa depensa, nananatiling ang Estados Unidos lamang ang bansang may Mutual Defense Treaty (MDT) sa Manila.

Sa ilalim ng MDT, ang anumang armadong pag-atake sa alinmang pampublikong sasakyang-dagat, sasakyang panghimpapawid, o sandatahang lakas ng Pilipinas o Estados Unidos—kabilang ang Coast Guard—sa Pacific, o saan mang bahagi ng South China Sea, ay magpapairal sa obligasyon ng kapwa bansa na magtulungan sa depensa.

Binigyang-diin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Leo Herrera-Lim ang kahalagahan ng kasunduan at ang patuloy na kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng depensa.

“Under the MDT to the Enhanced cooperation agreement, our forces have built the kind of interoperability that cannot be improvised when it is needed most; that work continues and it matters more not less with each passing year,” anang opisyal.

Dumalo rin sa pagtitipon para sa Araw ng Kalayaan ng Estados Unidos ang ilang embahador, kabilang ang Embahador ng Japan sa Pilipinas na si Endo Kazuya.

Nakiisa rin sa okasyon ang ilang opisyal at mambabatas ng Pilipinas, kabilang sina Senador Risa Hontiveros at Senador Erwin Tulfo. — FRJ GMA News