Mistulang “sala sa init at sala sa lamig” ang magiging dining experience sa isang ramen house sa Quezon City, dahil bukod sa umaapoy na ramen, mayroon din silang ramen na hinahaluan ng ice cream. Ano naman kaya ang lasa nito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang Flash Ramen ni RJ Aguirre JR, isang certified ramen lover.

Nagpabalik-balik noon si RJ sa Japan para mahuli ang sarap ng authentic ramen.

“Habang nasa Japan kami, naisip namin why not bring 'yung experience na na-experience natin dito sa Japan, sa Philippines,” sabi niya.

Ichiran o perfect para sa solo diner ang estilo ng pagkain ng ramen para madama ang authentic Japan vibes.

Nanggaling ang “ramen” mula sa salitang Chinese na “lamian” o pulled noodles, at mas naging popular na noodle dish sa bansang Japan.

Isa ang ramen sa mga naging survival food ng mga Hapon noong katatapos lang ng World War II.

“Hindi siya product at hindi siya natural na pagkain ng mga Japanese. Pero bakit sumikat 'yung ramen sa Japan? Dahil nagkaroon ng kahirapan, naging mahirap,” sabi ni Christopher Carangian, culinary general and food expert.

“Kailan nag-start 'yung kahirapan na ‘yun? Binomba ng US 'yung Japan. So ang nangyari, nagkaroon ng shortage sa mga pagkain. Nagkaroon din ng maraming supply ng mga products ang Japan. Ito nga 'yung wheat flour. So ang daming wheat flour, ang pwede nilang gawin dito sa wheat flour, gawin noodles,” dagdag niya.

Ibinebenta lamang sa mga kalsada sa murang halaga noon ang mainit na sabaw, kaya naging malaking bahagi ito ng kanilang hapag.

Sa restaurant nina RJ, naisip nila ang ideya na pagliyabin o lagyan ng apoy ang isisilbing nilang ramen. Bukod doon, naisipan din nila noong nakaraang summer na lagyan ng vanilla ice cream ang ramen.

Sa naturang pakulo, mae-enjoy pa rin ang mainit na ramen kahit panahon ng tag-init.

“'Yung tinatawag nating contrast sa temperature. Masarap daw kumain kapag 'yung sensation sa bibig na may natitikmang kang malamig tapos may konting init. Minsan naman init… Kasi journey ng bibig mo ‘yun. Kumbaga nagkakaroon ng iba't ibang sensation,” sabi ni Carangian.

Pagdating sa ice cream ramen, ginagamitan ng Torigara ang stock o sabaw nito, na mas light ang flavor at nutty kumpara sa fire ramen.

Tunghayan sa I Juander kung paano nila inihahanda fire ramen at ice cream ramen. Panoorin ang video. – FRJ GMA News