Isang pambihirang puting unggoy o albino na Philippine long-tailed macaque ang nakita sa isang kagubatan sa Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat nitong Miyerkules, Hulyo 1, 2026.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing namangha ang mga turista matapos mamataan at makuhanan ng video ang kakaibang unggoy habang umaakyat sa isang puno sa kagubatan sa Sitio Tudog, Barangay Bugso.
Isang katutubong tour guide mula sa komunidad na si John Danda, ang nakakuha ng video ng unggoy. Kalaunan, ibinahagi ito ng isang kawani ng Municipal Tourism Office bilang patunay na may mga unggoy ngang naninirahan sa naturang lugar.
“Actually, lumalabas siya every 6 a.m…. hopefully, next week, babalikan namin, andun siya. Sabi ng mga residente, every 6 a.m. siya lumalabas,” ayon kay Municipal Tourism Office-SNA Executive Assistant/Promotion and Marketing Staff, Belshazaao Hibaler.
Sinasabing mayroon pang ibang unggoy na albino o puti ang nakikita sa lugar.
“According sa mga story ng mga taong andun, hindi lang ‘yun nag-iisa ‘yung albino na ‘yun, so, it’s just a confirmation if the sighting na tooto yung kuwento na merong albino monkey,” sabi ni Hibaler.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na pangalagaan ang naturang hayop upang matiyak ang kaligtasan nito at mapanatili ang uri nito. – FRJ GMA News

