Ang mango sticky rice ng Thailand, mas pinasarap pa ng Davao Region na tinaguriang “Fruit Basket ng Pilipinas,” matapos nilang samahan ng sikat nilang prutas na durian. Ang TV host na si Drew Arellano na nag-aalangan noon sa lasa ng durian, magbago kaya ang pananaw ngayon? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” tinikman ni Drew ang mango sticky rice na sinamahan ng durian.

“Feeling ko may breakthrough na ako sa durian. After 21 years, feeling ko 'yung palate ko mature enough na sabi niya, ‘Hey! I'm gonna take you in, durian!’” sabi ni Drew.

“My palate decided to take them all in. I think nandu’n na ako sa durian. I think. Kasi ngayon, nalalasahan ko, parang siyang sweet, creamy,” ayon kay Drew na muling tinikman ang durian na wala nang kasamang mangga.

Pag-amin ng TV host, hindi niya bet noon ang durian kahit sa amoy pa lang. Ngunit ngayon, “Durian na, I think is my favorite food.”

Ang Balai Samal Island Cafe na naghahain nito, hindi lamang aesthetic ang pagkain at hitsura ng kanilang pasilidad, kundi binuo para suportahan ang mga local farmer ng cacao at prutas sa Davao.

Si Dan Michael Pabilona, owner ng Balai Samal Island Cafe, nakakakuha ng idea mula sa pagdayo niya sa iba't ibang lugar ng Pilipinas.

“So, lahat ng mga na-experience po namin doon sa mga cities is nakuhaan po namin ng idea which is to put here sa balai. Which is ang daming mga opportunities pala na pwede naming dalahin dito sa Samal Island. Na pwede naming ma-share sa local communities and also din po sa mga turista,” sabi ni Pabilona.

“Sa Samal which is tinutulungan nila 'yung mga farmers, local farmers, to sell 'yung sa mga pag-cultivate nila ng mga mango,” dagdag pa ni Pabilona.

Tunghayan sa Biyahe ni Drew kung paano hinahanda ang Durian Sticky Rice. Panoorin ang video. – FRJ GMA News