Ikinatuwa ng fans na mismong sina Dustin Yu at Bianca De Vera ang tumao at nagbenta ng tickets para sa kanilang upcoming fan meet na "DustBia: Love Actually."
Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing mistulang naging mini fanmeet na rin ang ticket selling nang personal na nakita ng fans sina Dustin at Bianca.
“Kanina may bumili ng 50. Tapos hindi nagpapatalo 'yung kabila, 50 tickets din. So I mean nakakatuwa lang na nage-enjoy sila at same time grabe 'yung suporta nila sa amin,” sabi ni Dustin.
“Talagang masasabi kong walang kupas 'yung pagmamahal nila para sa amin. Because it's been exactly a year since we got evicted. And now we're here revisiting memories from last year,” sabi naman ni Bianca.
Gaganapin sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City ang “DustBia: Love Actually” fanmeet, sa pakikipagtulungan ng Sparkle GMA Artist Center, ABS-CBN Events at Star Magic.
Maliban sa inaasahang interactive activities kasama ang fans, may performances ding aabangan mula kina Dustin at Bianca at mula sa kanilang mga special guest.
“Nakaka-excite because 'yung production namin, they're so collaborative with us. So parang kapag ako or kami may fantasy na gusto, talagang ilalaro namin yun sa utak namin. So abangan niyo ‘yun 'yung mga pasabog namin,” sabi ni Bianca.
“Siya mismo pumipili ng prod para sa akin. Sabi niya, “ito gawin mo, ito gawin mo,’ ganiyan. Kakayanin, kakayanin, kakayanin. Papantayan ko 'yung energy niya,” sabi naman ni Dustin. —Jamil Santos/VBL GMA News
