Isang mag-aaral sa Tupi, South Cotabato ang sinita ng mga awtoridad matapos silang makatanggap ng impormasyon na may dala itong baril.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing sinita ang 16-anyos na estudyanteng lalaki sa national highway sa Barangay Poblacion noong Martes.

Ayon sa Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12), nakuha sa estudyante ang isang 9mm na baril, at dalawang magazine na naglalaman ng mga bala.

Batay sa imbestigasyon, nakarehistro ang baril sa isang miyembro ng kaniyang pamilya at may legal na lisensya sa pagmay-ari ng baril.

Ayon sa mga awtoridad, kinuha umano ng estudyante ang baril nang walang pahintulot ng may-ari.

Dinala ang estudyante sa himpilan ng pulisya at kalaunan ay ipinasa sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) upang mabigyan ng angkop na interbensyon.

“Ang pagkakaroon ng baril ay may kasamang malaking responsibilidad. Hindi sapat na ito ay lisensyado lamang, dapat tiyakin din na ito ay ligtas na nakatago at hindi maaabot ng mga walang awtoridad na gumamit, lalo na ng mga kabataan,” ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr.

Nanawagan ang pulisya sa publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kapag may nalalaman na mga taong nag-iingat o nagdadala ng baril na hindi awtorisado, o ginagamit nang hindi tama.

“Ang kaligtasan ng komunidad ay responsibilidad ng bawat isa. Makipagtulungan tayo sa mga awtoridad upang mapanatiling ligtas ang ating mga tahanan at pamayanan. Ang bawat impormasyong maibabahagi sa pulisya ay maaaring makatulong upang maiwasan ang trahedya,” dagdag ni Nartatez. -- FRJ GMA News