Sugatan ang isang 16-anyos na lalaki matapos siyang saksakin ng isa ring menor de edad matapos silang mag-away sa labas ng isang paaralan sa Barangay Ma-ao, sa Bago City, Negros Occidental.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na hindi magkakilala ang suspek at biktima.
Sa imbestigasyon, lumitaw na naghihintay lamang ng masasakyang tricycle pauwi ang biktima nang magkatitigan sila ng suspek. Nauwi umano ito sa komprontasyon at suntukan.
Ang biktima rin umano ang unang nanuntok, bago bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak siya sa leeg, dibdib, at iba pang bahagi ng katawan.
“While waiting sa tricycle kasi uuwi na siya, nagkatinginan sila ng other minor. Nagtanungan bakit matalim siyang tumingin. Doon na ang start ng mag-away,” ayon kay Police Lt. Col. James Latayon, hepe ng Bago City Police Station.
Isang lalaki ang namagitan sa dalawa upang matigil ang away.
“Sabi ko, itapon mo na iyang kutsilyo. Tinapon niya at tumakbo sa taas,” sabi ni Romy Popa.
Ayon sa mga awtoridad, dati ring nag-aaral ang suspek sa paaralang malapit sa pinangyarihan ng insidente. Ngunit dahil umano sa ilang beses na pagkakasangkot sa gulo, inilipat siya ng kaniyang mga magulang sa ibang paaralan.
Sa ngayon, sumasailalim ang suspek sa intervention program sa isang reformation center sa lungsod.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima at ng suspek. – FRJ GMA News
