Nasawi ang isang mangingisda matapos siyang tangayin ng rumaragasang ilog dulot ng masamang panahon sa Guihulngan, Negros Oriental.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nakita ang labi ng mangingisda na nagpapalutang-lutang sa dagat.
Sinabi ng pulisya na gabi ng Lunes nang tangayin ng ilog ang biktima. Namataan ang kaniyang labi nitong Miyerkoles.
Isa namang labi ng lalaki ang nahukay sa Barangay E. Alegado sa Glan, Sarangani.
Pumanaw siya matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa kasagsagan ng masamang panahon noong Sabado.
Patuloy ang pagsasagawa ng search and retrieval operations para sa asawa ng lalaki.
Sa Alabel, Sarangani, tatlong tarsier ang pinakawalan sa gubat matapos mailigtas sa tabi ng ilog sa gitna ng masamang panahon.
Sa Barangay Malalan sa Jose Abad Santos, Davao Occidental, rumagasa ang tubig mula sa bundok papunta sa kalsada dahil sa ulan.
Matapos nito, humambalang ang mga bato at lupang tinangay ng tubig sa kalsada.
Stranded ang ilang motorista, pati na rin ang isang sasakyan na maghahatid sana ng assistance sa isang district hospital.
Nahulog naman sa tabi ng kalsada ang isang truck ng Department of Public Works and Highways na may kargang backhoe na gagamitin sana sa clearing operations.
Bumaon ang gulong ng truck sa lumambot na parte ng lupa kaya ito nawalan ng balanse at nahulog.
Wala namang napaulat na nasaktan.
Nahirapan ang mga motorista na dumaan sa bahagi ng sapa sa Barangay New Dumangas sa T’boli, South Cotabato.
Sumemplang ang ilang motorsiklo dahil madulas at malakas ang ragasa ng tubig.
Nananawagan naman ang mga residente sa mabilis na pagtapos ng ginagawang tulay sa lugar.
Bumaha rin sa ilang kalsada dahil sa malakas na ulan sa Boracay sa Malay, Aklan.
Napilitan ang mga turista na maglakad sa gutter deep na baha, habang ramdam din ang masamang panahon sa baybayin na sinabayan ng malakas na hangin at matataas na alon.
Sa Davao City, ilang kalsada ang nagmistulang ilog matapos ang malakas na ulan.
Sinabi ng PAGASA na dulot ng localized thunderstorms ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao. —Jamil Santos/VBL GMA News
