Nahuli-cam sa isang highway na bahagi ng Barangay Palaka sa Valladolid, Negros Occidental ang karerahan ng ilang motorsiklo.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Miyerkoles, makikita ang ilang tao sa gilid ng highway na hawak ang kanilang mga cellphone at inaabangan ang pagdating ng mga humaharurot na motorsiklo.
“Wala silang permiso sa barangay. Ang kanilang ginagawa, nagpupustahan. Walang nagko-coordinate sa amin na may racing sa highway,” ayon sa barangay kagawad na si Roger Pelayo.
Perwisyo raw ito sa ilang mga residente na nakatira malapit sa kalsada dahil maliban sa maingay at delikado pa.
“Iyan ang inaalala namin dito, perwisyo talaga. Isipin mo paano kung pamilya mo ang masagasaan diyan,” ayon sa residenteng si Merlita Balunon.
Ayon sa pulisya, hinabol ng nagpa-patrolyang police mobile ang mga sangkot sa drag racing pero hindi na naabutan dahil sa bilis.
Patuloy na iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang ilegal na karerahan.
“Nakita natin na hindi lang sa Valladolid itong drag race. Supposedly, doon sila sa Bago City, pagdating nila sa Valladolid, nagkakarera na. Sana, itigil na nila iyan,” ayon kay Police MSGT. Jobert Pancho, Traffic Investigator, Valladolid, MPS. – FRJ GMA News
