Pinabulaanan ng abogado ni dating House Speaker Martin Romualdez ang pahayag ng Office of the Ombudsman na nagtangkang lumabas umano ng bansa ang mambabatas.
Iginiit ni Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, na walang basehan ang pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, na nagtangkang umalis ng Pilipinas ang kongresista.
Ayon kay Fajardo, nananatili sa Pilipinas si Romualdez mula nang lumabas ang isyu ng umano’y anomalya sa flood control projects.
"Wala kaming idea kung saan nakuha o napulot ni Assistant Ombudsman Clavano ang mga ganyang detalye. Muli naming lilinawin na hindi umalis at umaalis ng bansa si dating Speaker Romualdez," saad ni Fajardo sa isang pahayag.
"Lagi siyang handa na humarap sa lahat ng mga imbestigasyon. So hindi po natin alam kung saan napupulot ni Mr. Clavano ang ganyang balita," dagdag niya.
Nitong Lunes, sinabi ni Clavano sa isang pulong balitaan, na may natanggap silang impormasyon na sinubukan umano ni Romualdez na umalis ng bansa. Sa kabila ito ng umiiral na precautionary hold departure order (PHDO) na inilabas ng Sandiganbayan laban sa kaniya.
Hinimok din niya ang mga ahensiya ng border security at law enforcement na patuloy na bantayan ang anumang posibleng paraan na maaaring gamitin ni Romualdez upang makaalis ng bansa.
Ngunit ayon kay Fajardo, maaaring magdulot ng impresyon ang mga pahayag ni Clavano na tila may kasalanan si Romualdez.
Nauna nang iginiit ng kampo ni Romualdez na walang katibayan na nagsasangkot kay Romualdez sa umano’y anomalya sa paggamit ng pondo sa flood control projects.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Ombudsman ang dating House Speaker kaugnay sa alegasyon ng plunder, direct and indirect bribery, money laundering, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na dahilan para maglabas ang anti-graft court ng PHDO laban sa mambabatas.— Jean Mangaluz/FRJ GMA News

