Nasawi ang isang rider nang masalpok ng van ang minamaneho niyang motorsiklo. Ang biktima, dumiretso sa national highway mula sa barangay road sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Gagasangan nitong Sabado ng madaling araw.

Sa CCTV footage, makikita ang biktima na galing sa barangay road at dumiretso sa paglusot sa national highway. Nagkataon naman na may paparating na commuter van at nasalpok nito ang biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang motorsiklo at tumilapon ang rider.

Isinugod sa ospital ang rider, na residente ng Binmaley, pero hindi na siya umabot nang buhay.

Ayon sa pulisya, inilagay sa kanilang kustodiya ang driver ng van habang isinasagawa ng imbestigasyon.

Napag-alaman ng awtoridad sa inisyal na imbestigasyon na walang lisensiya sa pagmamaneho ang rider na galing noon sa bayan ng Mapandan.

.Nagkausap na umano ang magkabilang panig at nagkaroon na ng kasunduan, ayon din sa pulisya.

Sinabi sa ulat na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng van at pamilya ng nasawing rider.

Paalala ng pulisya sa mga motorista, maging maingat sa pagmamaneho at tumigil muna kung manggagaling sa intersection upang alamin kung may ibang paparating na sasakyan. – FRJ GMA News