Kinumpiska ng mga awtoridad ang mahigit apat na tonelada ng mishandled frozen meat na natagpuan sa isang palengke sa Dasmariñas, Cavite nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kahon-kahong frozen meat na nakakarga sa mga nakaparadang refrigerated van ang ininspeksiyon ng pinagsanib na pwersa ng National Meat Inspection Service o NMIS Central Office, National Capital Region, Region 4A, at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa labas ng naturang palengke.
Nadiskubre nila na hindi umaandar ang freezer ng mga van kaya malambot na ang ibang karne.
May mga frozen meat din na sira-sira na ang kahon.
Pinagkukumpiska ng mga awtoridad ang mga mishandled frozen meat.
“‘Yung box po kasi talaga 'yung karton madali lang talaga sira. Pero tingnan n'yo 'yung ano namin, matitigas po 'yan kahit hawakan n'yo po 'yang pige na 'yan,” depensa ng isang nagtitinda.
Ayon sa NMIS, walang kaukulang dokumento ang karamihan sa mga nakumpiska na maituturing na “hot meat.”
Dapat daw natitiyak din ang tamang temperatura ng mga frozen meat.
“Isa pong matatawag din na hot meat 'yung mishandled na 'yung wala sa tamang temperatura. Ang standard maintaining temperature po ng mga frozen ay dapat nasa minus 18 degrees Centigrade. Ito man po ay tumaas, dapat hindi lalabis or mas mataas sa negative 15 or negative 10,” ani Dr. Eduardo Oblena, ang director ng NMIS Region 4A.
Sa ilang puwesto sa palengke, pinagkukumpiska rin ang mga frozen meat na nakatiwangwang lang at wala sa chiller o freezer.
Umabot sa mahigit apat na tonelada ng mishandled frozen meat ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Sabi ng NMIS, lubhang delikado para sa mga mamimili na makakain ng ganitong klase ng karne.
“Mga adverse effects po katulad nu'ng maaari pong sumakit ang tiyan, susundan po ng pagtatae, nasusuka o kaya sumakit 'yung ulo. Ang worst scenario po nito ay maaaring ma-hospitalize po sila," ayon kay Oblena.
"Siguraduhin po na 'yung ating binibiling karne ay worth po doon sa ating ibinabayad po. Dapat nasa tamang handling practices, hindi 'yun po 'yung ang frozen, nakayangyang sa ibabaw ng stalls,” dagdag niya.
Inisyuhan ng confiscation receipt ang mga nagtitinda.
Dinala naman sa disposal facility ang mga nakumpiskang karne sa pakikipag-ugnayan ng NMIS sa local government unit. —KG GMA News

