Napaulat kamakailan ang pagsagip ng isang magsasaka sa isang Philippine Eagle matapos niya umano ito makitang inaatake ng mga unggoy sa Malaybalay City, Bukidnon. Ngunit nang suriin, nakitaan ito ng mga tama ng bala. Kinuyog nga kaya ng mga unggoy ang agila o binaril ng tao?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ang video ng nasagip na Philippine Eagle na si Sawaga-Dalwangan, na nasa isang kubo lang, basang basa, balisa at nanghihina. Inuuod na rin ang mga sugat nito.

Ayon kay Marven Linoy, ang magsasakang sumagip sa agila, inatake umano ng mahigit 30 mga unggoy ang dambuhalang ibon.

Kuwento niya, umaga ng Hulyo 3 nang mapadpad siya sa gubat at nakakita ng pagkakagulo ng mga unggoy. Naglakas-loob siyang bugawin ang mga ito.

Nang makalapit, nagulat umano siya na nasaksihan inaatake ng mga ito ang isang Philippine Eagle.

“Lupaypay na siya sa lupa. Nakatihaya na. Basa siya. Nanginginig na siya. Kung tao pa siya, parang nanghihingi siya ng tulong sa akin. Hindi na ako nagdalawang isip. Tinulungan ko agad siya,” kuwento ni Marven.

Saka niya tinakpan ang katawan nito, kinarga at tumakbo sa kaniyang pinsan para makakontak ng magre-rescue.

Kasama ang KMJS team, binalikan ni Linoy ang lugar kung saan nangyari umano ang pag-atake ng mga unggoy sa agila. Makikita pa sa puno ang ilang bakas ng kalmot at maging ang balahibo ng agila sa maputik na lugar.

Samantala, kaagad na binigyan ng first aid ng mga rumirespondeng kawani ng Community Environment and Natural Resources Office o CENRO, ang agila.

“Mukhang very weak ‘yung agila. Basang basa 'yung ibon. Nanlalamig siguro kasi maulan,” sabi ni Dennis Juab, CENRO Officer, Valencia City, Bukidnon.

Ipinaalam din nila sa Philippine Eagle Foundation sa Davao City ang kaawa-awang sinapit ng ibon.

“By midnight, nandito na sa Davao City ang bird, and getting the immediate medical attention that it deserves. Nakakalungkot tingnan ang Philippine Eagle. Mahinang-mahina, dehydrated siya. Kailangan talagang i-stabilize muna,” sabi ni Jayson Ibañez PhD, Director for Operations, PEF.

Habang ginagamot si Sawaga-Dalwangan, natuklasan ng mga taga-PEF ang mga sugat sa pakpak nito.

“Unfortunately, meron pong injury 'yung Philippine Eagle natin on both its wings sa ilalim ng kaniyang pakpak. Meron din siyang mga magots,” sabi ni Ibañez.

“Base din sa ating x-ray na ginawa, merong dalawang bala, airgun pellet sa loob ng katawan ng ibon. Ang isang bala ay matagal nang nasa loob ng katawan pero recently lang tiningnan 'yung pangalawang bullet. Kagabi lang nakita na may fresh entry wound,” dagdag niya.

“Binaril ang Philippine Eagle natin bago siya na-rescue,” sabi ni Ibañez.

Ipinunto ng PEF na apex predator ang Philippine Eagles kaya paborito nitong pagkain ang mga unggoy at “more dominant species” kaysa mga ito.

Hinala pa nila, maaaring na-trap sa isang bitag ang agila.

Idinipensa naman ni Linoy ang sarili sa mga nagsususpetsa sa kaniyang kuwento.

“Ako sigurado talaga ako na hindi ko talaga sila ginalaw. Ang Philippine Eagle ay mahal namin ‘yan sa aming bukid. Pamana kasi iyan na turo ng aming mga ninuno. Huwag silang galawin, huwag silang saktan, huwag silang barilin, at lalong huwag silang gawing alaga,” sabi ni Linoy.

“Kapag ginalaw niyo sila, o kapag napatay niyo sila, higit pa sa buhay mo ang kapalit,” dagdag niya.

Naninindigan din siya sa nauna niyang salaysay na nasaksihan niya kung paano sinalakay ng mga unggoy ang agila.

“Tahimik lang ako pero ‘yung totoo, malinis ang konsensya ko. Kaya hindi ko ‘yon magagawa. Labas na kami riyan kasi nag-rescue lang naman kami,” sabi ni Linoy.

Nilinaw naman ng PEF na hindi nila sinabing si Linoy ang may kagagawan ng tama ng pellet sa agila.

“Hindi pa namin masabi kung ano ba ang totoong nangyari. May mga grupo tayo ng mga forensics ng PNP at saka NBI na inimbitahan namin. Mas maganda kung sila ang mag-undertake ng investigation,” sabi ni Ibañez.

Nitong Hulyo 18, Sabado, malungkot na ibinalita ng PEF na pumanaw na si Salwaga Dalwangan matapos mag-seizure.

“Ang aming panawagan ay sana po kung may mga makita kayong mga Philippine Eagles, huwag lang po natin silang galawin, huwag natin silang barilin. I-report po kaagad sa DENR or sa local government unit,” sabi ni Ibañez.

“If you're hunting or killing mga critically endangered species, you can be imprisoned from 6 years to 12 years. And then you will be fined P100,000 to P1,000,000,” sabi naman ni Dennis Juab, CENRO Officer ng Valencia City, Bukidnon. – FRJ GMA News