Nasawi ang isang 22-anyos na lalaki na naghihintay ng kaniyang inorder na pagkain sa isang burger outlet matapos siyang malapitang barilin ng salarin sa Lala, Lanao del Norte nitong Lunes.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naghihintay ang biktima at kaniyang asawa sa kanilang order nang lumapit ang salarin ang barilin ng dalawang beses sa ulo ang lalaki.

Isinugod ang biktima sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Tumakas naman ang salarin sakay ng naghihintay na motorsiklo.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.

Kinondena ng Lanao del Norte Police Provincial Office (LDNPPO) ang krimen, at tiniyak sa pamilya ng biktima ang isinasagawang imbestigasyon para madakip ang mga suspek.

“The LDN PPO immediately activated OPLAN SHIELD and intensified checkpoint operations, police visibility, intelligence monitoring, and coordination with neighboring police units to facilitate the immediate identification and arrest of the perpetrators,” ayon sa pahayag ng LDNPPO. – FRJ GMA News