Nagdadalamhati ang isang fur parent nang makita niyang patay at may tama ng bala ang alaga niyang pusa na dati niyang ni-rescue sa San Carlos City, Pangasinan. Napag-alaman na isa pang pusa niya ang naunang binaril at patuloy pang nagpapagaling.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage sa isang eskinita sa Barangay Coliling, ang ilang pusa na nakaistambay.
Ilang saglit lang, may madidinig na putok at kakaripas ng takbo ang isang pusa. Pero maya-maya lang, matutumba at mangingisay na ang pusa dahil tinamaan pala ng bala.
Ayon kay Jeremy de Guzman, may-ari ng binarily na pusa, wala ang kanilang pamilya nang mangyari ang insidente.
"Pag-uwi namin dito, nagulat po kami. Iyong pusa namin, si Patrick, nandito na po, nakahandusay. Patay na po siya. Ang tama po niya ay tama ng baril. Confirm po namin kung anong nangyari kasi wala kami rito during that time. Pero confirm namin sa tito, tita ko rito sa bahay nila, lahat naman ng CCTV footage tugma," kuwento niya.
Mga rescued cats ang mga alaga ni De Guzman. Noong nakaraang July 8, isa ring alaga niya ang binaril at patuloy na nagpapagaling sa tinamo nitong tama ng bala.
May person of interest daw ang pamilya ni De Guzman sa kung sino ang namaril sa kanilang pusa. Umaasa silang mapapanagot ang gumagawa ng karahasan sa kanilang alaga.
Inireport na nila sa pulisya ang insidente pero inindorso nito ang reklamo sa barangay. Hinala ng mga awtoridad, airsoft gun ang ginamit sa pagbaril sa pusa.
Kinondena naman ng Animal Kingdom Foundation ang ginawang pagbaril sa pusa na isa umanong kalupitan sa hayop na pinaparusahan sa ilalim ng Animal Welfare Act.
"Mga insidente ng pamamaril, pananakit, pananaksak ng mga hayop ay itinuturing natin na animal cruelty or maltreatment sa ating mga hayop, lalong-lalo na sa mga pets. Ito'y ipinagbabawal sa ating batas," paalala ni Foundation director, Atty. Heidi Marquez-Caguioa,
Nakahanda umano ang foundation na tumulong sa pamilya kung ilalapit sa kanila ang reklamo upang makapagsagawa sila ng imbestigasyon. – FRJ GMA News
