Iniulat kamakailan ang kalunos-lunos na sinapit ng isang Grade 3 pupil na babae na pumanaw ilang araw matapos umanong ilang ulit na hampasin ng notebook sa ulo ng kaniyang kaklaseng lalaki sa loob ng isang public school sa Davao City. Ano kaya ang pinag-ugatan ng kanilang “away-bata” na nauwi sa trahedya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” sinabing nakaburol ang mga labi ni Jayra sa bahay ng kaniyang ama sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte nang gawin ang panayam.

Ayon sa ina ni Jayra na si Aramina Camanzo, hapon noong Hulyo 17, nang umiiyak na umuwi ang anak galing sa eskuwela.

“Tinanong ko siya kung bakit siya umiiyak. Ang sagot niya, sinuntok daw siya ng kaklase niya sa kaniyang ulo. Ang sagot niya, sinuntok daw siya ng kaklase niya sa kaniyang ulo,” sabi ni Aramina.

“Ang sabi sa amin ni teacher sa chat, 10 times daw hinampas si Jayra ng notebook. ‘Yung sinabi sa amin isa lang daw na bata,” dagdag ni Aramina.

Hanggang sa sumama na ang pakiramdam ni Jayra noong kinagabihan.

“Pinakain siya ng Papa niya. Hindi niya naubos ‘yung pagkain niya, sinuka lang niya. Sabi ng manghihilot, may bali raw siya. Pinainom namin siya ng gamot every 4 hours. Paggising niya ‘yung kinain niya hindi na umaabot ng kahit isang kutsara,” sabi ni Aramina.

Ayon pa sa kaniya, wala namang binanggit si Jayra na may sumasakit na parte ng kaniyang katawan.

Dahil hindi na bumubuti ang lagay ni Jayra, madaling araw ng Hulyo 21 o apat na araw matapos may indahin si Jayra ang sakit ng katawan, dinala na nila ang bata sa ospital.

“Pagdating namin sa ospital. Manhid na siya. Hindi na siya nasasaktan. Kinausap siya ng kaniyang Papa na ‘Ate!’ Hindi na siya nagre-respond. Hindi na siya sumasagot sa Papa niya,” kuwento ng ina.

Laking gulat ng mga magulang ni Jayra nang sumuka ito ng dugo. Nakapagsalita pa si Jayra kahit na nanghihina na siya noong mga oras na iyon.

“Pagsabi niya na ‘Pa, I love you!’ Sabi ko ‘I love you too!’ Pagaling ka na, uuwi pa tayo,’” sabi ni Ryan Jay Donaire, tatay ni Jayra.

Pasado 1 p.m. nang tuluyan nang bawian ng buhay si Jayra.

“Hindi ko talaga matanggap na si Jayra wala na talaga sa amin. Biglaan lang talaga ‘yung nangyari. Bakit si Jayra pa? ‘Yung only girl namin. Masakit lang talaga,” sabi ni Aramina.

Ayon sa pulisya, lumabas sa medical records na nakaranas si Jayra ng brain failure and traumatic brain injury secondary to alleged assault.

Isinalaysay ni Major Marc Hedssel Culaste, Acting Station Commander ng Sta. Ana PNP, ang sinasabing inamin umano ng batang lalaki ang ginawang paghampas ng notebook jay Jayra.

“Nag-aaway daw sila nitong batang lalaki. As per the statement po ng batang lalaki, he stated na sampung beses niya daw nahampas ng notebook sa ulo itong batang babae. Dinescribe sa amin as 'yung common lang po nila na notebook ng mga estudyante. Itong soft cover, tapos 'yung manipis lang nila ng mga notebooks,” sabi ni Culaste.

Ayon naman kay Dr. Rafael Martires, primary care physician, maaari pa ring magdulot ng pinsala kahit magaan lang ang notebook.

“Kahit magaan lang 'yung notebook na ‘yun, kung tinama ng sunod-sunod, yes, it may definitely cause brain injury. Dahil kahit akala natin matigas ang bungo ng tao, 'yung brain napakalambot nu’n. Kahit na anong pagkauntog sa ulo, kahit mahina lang ‘yan, should always be treated as an emergency,” sabi ni Martires.

Idinulog ni Aramina sa pamunuan ng paaralan ang nangyari kay Jayra.

Hulyo 22 o isang araw matapos mamatay si Jayra, nakausap at nakaharap ni Aramina ang pamilya ng batang nanakit ‘di umano sa kaniyang anak.

“Ang sabi lang ng kaniyang pamilya, mabait daw ‘yun na bata. Ang sabi ng bata, nauna raw si Jayra at sinabihan daw siya ni Jayra na ‘bayot’ (bakla),” sabi ni Aramina.

Inilahad ni Friendee Nuñez, School Principal II, na ikinalungkot ng paaralan ang nangyari, ngunit pinabulaanan niyang may tatlong bata ang sumuntok kay Jayra.

Ang kaklase naman ni Jayra na humampas sa kaniya ‘di umano, binisita ng City Social Welfare and Development Office ng Davao.

Nakaharap din ng team ng KMJS ang pamilya ng batang nanakit ‘di umano kay Jayra ngunit tumanggi silang magpa-interview.

May plano kaya ang pamilya ni Jayra na magsampa ng reklamo dahil sa nangyari sa kaniyang anak? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng KMJS. Panoorin.—FRJ GMA News