Nasawi ang isang 62-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin sa kalsada habang kasama ang anak na babae nitong Martes ng madaling-araw sa Iloilo. Ang biktima, papunta sa korte upang dumalo sa pagdinig sa kaso nang mangyari ang krimen.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV Ratsada Balita, sinabing sakay ang biktima at kaniyang 14-anyos na anak sa motorsiklo, at sandaling tumigil sa Barangay Dangulaan, Anilao dahil may kakausapin.
Patungo umano ang mag-ama sa korte kaugnay ng pagdinig ng kasong kinahaharap niya sa bayan ng Barotac Viejo nang tambangan sila ng mga salarin na nakasakay din sa motorsiklo.
Ayon sa pulisya, nagawa pa ng biktima na makatakbo pero hinabol pa rin siya ng mga salarin at pinagbabaril. Ligtas naman ang kaniyang anak.
Nagtamo ang biktima ng nasa 10 tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan. May 16 na basyo ng bala na mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Hinala ni Police Capt. Ma. Rosela Buenvenida, Officer-in-charge ng Anilao Municipal Police Station, maaaring may kinalaman ang krimen sa kasong kinakaharap ng biktima sa korte.
Batay sa nakalap na impormasyon ng pulisya, lumilitaw na kinasuhan ang biktima ng grave threat, at nagsampa naman ito ng kontra-demanda.
May nakakita rin umano sa mukha ng mga salarin dahil hindi sila nagtakip ng mukha nang gawin ang krimen. Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga salarin. – FRJ GMA News
